Quantcast
Channel: Never Ending Story...
Viewing all 51 articles
Browse latest View live

Paano Maging Magkaaway ang mga Wizard at Bampira

$
0
0

Harry Potter and The Deathly Hallows Part 2 trailer

Harry Potter. Kwento ng isang bata na tinadhana na talunin ang pinakamasamang wizard sa mundo. Habang lumalaki sa paaralan niya, Hogwarts, unti-unti niyang nakikilala ang kanyang tunay na pagkato. Dito rin niya natuto ang mga paraan para talunin ang kalaban.


Twilight: Breaking Dawn Part 1 trailer

Twilight. Isang kwentong pag-ibig sa pagitan ng dalawang nilalang. Hindi tao, kundi nilalang. Bampira sa tao, at lobo sa tao. Marami silang pinagdaanang kahirapan para mapatunayan ang tunay na pag-ibig.

Ang Harry Potter at Twilight ay dalawang magkaibang pelikula, pati kategorya nito. Subalit bakit kaya ito pinaghahambing ng mga tao at pinag-iinitan nila?

Dito ko nakita ang isang katangian ng tao sa pamamagitan ng mga pelikulang ito. Nakita ko na malaki rin ang impluwensya ng nakararami, hindi lang sa mga may kapangyarihan, sa kung ano ang mas katanggap-tanggap na bagay ng mga tao.

Noong sa panahon na lumalago pa lamang ang Kristiyanismo, ang pinakamatingkad na pangyayari sa mga libro ng kasaysayan ay ang mga marahas na parusa sa mga Kristiyano. Hindi ito tinatanggap ng karamihan dahil naniniwala silang hindi Diyos si Hesus at dapat hindi siya ang puriin ng mga tao.  Para sa kanila, masasama at hindi magandang halimbawa ang mga namamanata. Dahil dito, walang awang hinuhuli at pinapatay ang mga ito.

Sa kasalukyang panahon, laganap na ang liberal na kaisipan. Maraming tao ang naghihikayat sa marami na huwag matakot ipahayag ang sariling opinyon dahil hinihikayat din nila ang mga tao na maging bukas ang isip sa mga bagong kaisipan. Halimbawa nito ang pagkapanalo ni Obama bilang unang African-American na pangulo ng Amerika. Kahit laganap ang diskriminasyon sa mga taong maiitim ang kulay ng balat, may mga iilan din na tumatanggap sa ganitong mga tao.

Subalit kahit maraming bukas ang isip at malayang ihayag ang sariling kaisipan, makikita pa rin ang diskriminasyon at pagmamaliit sa mga taong hindi sumusunod sa gusto ng karamihan. Kahit wala na ang mga malulupit na parusa tulad noong panahon ni Emperador Nero, pagmamaliit, masasamang komentaryo at pagtatalo naman ang makikita.




Sa panahon ngayon na palasak ang paggamit ng internet, dito halatang nakikita ang away ng mga tao. Kung mapapansin, mas gusto ng nakararami ang Harry Potter. Ito raw ay dahil magaganda ang mga aral na maipupulot tulad ng lakas ng pagkakaibigan, at pagtitiwala sa sarili, samantala ang Twilight daw ay tungkol lang sa walang kwentang pag-ibig sa nilalang na hindi pa totoo. Tuwing ang mga tagahanga ng Harry Potter ay makakita ng tagahanga ng Twilight sa online forums, lagi silang nagbibigay ng hindi magagandang puna tungkol sa Twilight. Pati ang mga artistang gumanap ay pinagtatawanan nila. Kung minsan naman ay pinapangalan pa ang mga tagahanga ng Twilight na Twifags (pinagsamang Twilight at fag). Sa Amerika, malakas at laganap ang diskriminasyon sa mga homoseksuwal at sinasabing katawa-tawa silang tao. Makikita rin dito and pananakit o panghihiya sa mga tagahanga ng Twilight, dahil lang ginusto nila ang "pangit" na pelikula.


Bilang pagtatapos, maaaring magbago ang labas na anyo ng tao dahli sa ebolusyon, subalit mahirap baguhin ang mga ugali nila. Kahit matalinong nilalang tayo, hayop pa rin tayo sa loob. Naniniwala tayo sa likas na kutob natin, pumapatay tayo para lang makakain, at naniniwala tayo na laging mayroong mas mahina sa atin. 

----

Sanggunian:
9Gag. http://9gag.com/gag/1453027 (accessed February 3, 2012)
9Gag. http://9gag.com/gag/755910 (accessed February 3, 2012)
9Gag. http://9gag.com/gag/1949781 (accessed Februaru 4, 2012)
Youtube. http://www.youtube.com/watch?v=I_kDb-pRCds (accessed February 3, 2012)
Youtube. http://www.youtube.com/watch?v=gmKzwqQTqPw&ob=av3n (accessed February 3, 2012)

Kaalaman at Paniniwala

$
0
0
Ako ay naniniwala sa Diyos. Naturuan akong magdasal at maniwala sa Diyos. Nag-aral din ako sa Katolikong paaralan. Ang mga larawan at rebulto ng mga santo ay nananatiling paalala sa akin na na sila, kasama ang Diyos, ay laging nakatingin at nakabantay sa akin. Dahil dto, naniniwala ako na nagsimula ang mundo ayon sa kwento ng Genesis.


Ako rin ay isang tao. Bagaman isa akong uri ng hayop, naniniwala ako na may mga kakayahan ako na wala sa karaniwang hayop. At dahil mayroon tayong isipan, damdamin at kalayaan, may karapatan tayong gawin ang kahit anong gusto natin. May mga tao na pumili maging dalubhasa sa agham, at pinili ko na mag-aral at maging malay sa mga nangyayari at nalalaman sa paligid. Dahil dito, alam ko at naniniwala rin ako na nagsimula ang mundo sa Big Bang Theory.

Bakit dalawa ang kwento tungkol sa simula ng mundo? Dito nagsimula ang paghahambing ng relihiyon at agham. Maraming tao ang nag-aaway kung ano ang dapat mas paniwalaan. Ayon sa relihiyon, ang Diyos ang sagot sa lahat. Kailangan din Siya sambahin, dahil kung hindi, mapupunta ka sa impiyerno. Ayon naman sa agham, ang lahat ay may kasagutan, basta idaan ito sa proseso ng eksperimentalismo.

Isang halimbawa ng pag-aaway na ito ay makikita sa libro ni Dan Brown na Angels and Demons. Mayroong grupo ng mga siyentipiko, ang Illuminati, na hindi naniniwala sa relihiyon. Sa simula pa lang ng kuwento, napakita na agad ang poot ng Illuminati dahil sa pagpatay nila sa isang siyentipiko na pari. Hindi nila matiis ang mga relihiyosong tao na sumasama sa mundo ng agham. Para sa kanila, hiwalay na disiplina ang relihiyon at agham at dapat iba’t ibang tao ang nabubuhay sa magkaibang mundo na ito.




Ito ang markang iniwan sa bangkay bilang babala na magsisimula na ang pananakot ng mga Illuminati sa publiko.

Ayon sa aking identity formation, natuto at lumaki ako na naniniwala sa dalawang disiplina na ito. At para sa akin, walang masamang mangyayari kung gawin ito. Magkaibang ideolohiya ang relihiyon at agham, ngunit maaari naman itong parehong gamitin. Hindi parurusahan ng Diyos ang mga antropologo na pinag-aaralan ang mga buto ng tao dahil maayos ang kanilang paghawak sa mga ito at may paggalang pa rin sila sa mga labîng ito. Alam ng marami na ang langit ay makikita sa itaas, subalit noong lumakbay sa itaas ang mga tao ay nakita rin nila ang mga bituin, planeta at ang buwan. Maaaring isipin na makikita ang mga planetang ito sa langit.

Ang Buhay ay Parang...

$
0
0
Ang buhay ay maraming interpretasyon at pagtutulad. “Ang buhay ay parang gulong.”, “Ang buhay ay parang roller coaster.”, "Ang buhay ay parang nakasakay sa elebeytor." Minsan, masaya ka. Minsan naman, malungkot ka. Minsan, pakiramdam mo ay nasa tuktok ka. Minsan, nakabaon ka sa ilalim ng lupa. Kung mapapansin ay lagi na lang tintingnan ang buhay sa emosyonal na aspekto. Tuwing may naaalala ang mga tao, ibinabatay nila ito sa emosyon na nararamdaman nila para gunitain ang mga pangyayari sa kanilang buhay.

Hindi ba ang sarap sumakay sa roller coaster at maramdaman ang adrenaline na umiikot sa katawan natin?

Paano kung itulad ang buhay sa isang uri ng panitikan?

Ang epiko ay kinikilala bilang isang uri ng tula na isinasalaysay ang napakahabang paglalakbay ng isang tao. Sa simula ng kuwento, ang bida ay aalis sa bahay niya upang gawin ang mga gawaing kinakailangan. Marami siyang sagabal na pinagdaraanan, at maaari lamang siya tumawid kapag natupad niya ang mga mahihirap at imposibleng trabaho.

Kung minsan, ang mga abentura na ito ay nagbubukas sa isip at puso ng bida. Ang mga ito ay nagbibigay-linaw rin sa kaniya kung ano ang tunay niyang layunin sa buhay. Sa paglipas ng panahon, marami nang nangyayari sa kanya; at dahil dito mas nakikilala niya ang kanyang sarili.

Hindi ba iyon na rin ang ginagawa natin? Laging may harang na sumasalubong sa bawat hakbang natin at malulutas lamang ito kung tayo ay magtapang at harapin ang anumang kailangang gawin. Kung suwertehin, maaari pa natin malagpasan ang mga kinatatakutan natin. Nakikilala natin ang ating sarili sa pagkilala ng ibang tao, na kung minsan ay nagiging kaibigan pa natin. Sa mga karanasan natin, natututo tayo kung ano ang tama sa mali, at kung ano ang nakakasakit o nakakapagbigay ng saya sa atin. Mahaba rin ang paglalakbay na ito, dahil hindi tayo nakasisiguro kung kailan ang katapusan ng buhay natin.

Katulad ni Prinsipe Manawari, naniniwala siya na ang buhay niya at ang mga pangyayaring nararanasan niya ay nakaayon sa Dakilang Manunulat. Ganyan din tayo. Ang buhay natin ay nakasulat bilang isang epiko na maraming ekspedisyon ang dinadaanan bago makaabot sa tanging layunin natin. Ang bawat alaala ay nakatago sa papel at tinta na ginagamit ng Dakilang Manunulat, ang Diyos.

Ang buhay ay parang epiko.



Ano na kaya ang susunod na isusulat ng Dakilang Manunulat?

Alamat ng Alamat

$
0
0
Noong bata ako, nahilig akong magbasa ng mga kuwentong bayan, lalo na ang mga alamat. Ito ang mga uri ng patulang kuwento na inilalarawan kung paano nagkaroon o nagsimula ang mga tiyak na bagay sa mundo.

P6160481

Bakit ang pinya ay may maraming 'mata'? Ang alamat na ito ay tungkol sa batang hindi masunurin. Nang magkasakit ang nanay niya, kinailangan niyang matutong magluto at gawin ang mga gawaing-bahay. Isang araw, hinahanap ng bata ang sandok para magsimulang magluto. Nagalit ang nanay niya dahil alam niyang tamad at makakalimutin ang anak niya. Sumagot ang nanay na sana tubuan ng mata ang buong katawan ng bata para mahanap niya ang sandok. Biglang nawala ang bata at nakita na lamang siya ulit noong may nakita silang kakaibang prutas na tumutubo sa likod ng bahay na may maraming ‘mata’. Kahawig nito ang di masunurin na bata at dito nagsimula ang buhay ng pinya.

P6160482

Totoo pala ang kasabihang 'abot-langit'. Noong araw, ang langit ay nasa layong kayang abutin ng mga tao, kaya madaling kausapin ang mga diyos. Mabilis marinig ang mga panalangin nila at mabilis ding ipinatutupad ito. Lumaking tamad ang mga tao dahil nakukuha nila agad ang lahat ng gusto nila, kaya nagkaroon ng kasunduan na bibiyayaan lamang ng mga diyos ang mga taong nagsisikap. Nagsikap ang mga tao at naging mabuti ang kanilang tanim para sa buong taon. Nagsaya ang mga tao sa pamamagitan ng piesta. Habang ginagawa ang Sayaw ng mga Mandirigma, natusok ang isang diyos nang hindi sinasadya nang iniangat ang hawak na sibat. Lalong nagalit ang mga diyos at tuluyan na silang lumayo sa itaas. Mula noon mahirap na silang abutin at mahirap na rin iparinig sa kanila ang mga panalangin ng mga tao.

P6160480Mayon~volcano

Sinong mag-aakala na dating tao pala ang Bulkang Mayon? Ito ay tungkol sa buhay pag-ibig ni Magayon, ang anak ng datu. Maganda ang ibig sabihin ng pangalan niya sapagkat siya ang pinakamagandang dalaga sa lugar niya. Marami siyang manliligaw, subalit tanging si Ulap lamang ang nakabihag ng puso niya dahil iniligtas niya si Magayon noong muntik na siyang malunod sa ilog. Nagalit si Hepe Pagtuga, isa sa mga manliligaw, nang ikakasal na sina Magayon at Ulap. Binihag niya ang tatay ni Magayon at para pakawalan siya ay kailangan sila ni Magayon ang ikasal.

Nang dumating si Ulap upang tigilin ang kasal, nagkaroon ng away sa pagitan ng dalawang panig. Umulan ng mga pana at namatay agad si Hepe Pagtuga. Diretso sa puso ni Magayon ang tama ng ibang pana kaya namatay rin siya agad. Niyakap ni Ulap ang namatay niyang kasintahan bago rin siyang bawian ng buhay. Inilibing nang magkasama sina Magayon at Ulap kasama ang mga naibigay na regalo ni Pagtuga. Tumubo rito ang isang bulkan. Tuwing pumuptok ang bulkan, sinasabi na nagagalit pa rin si Pagtuga sa nangyari. Ang Pagtuga sa Bicolano ay ‘pumuputok na bulkan’. Gumanda ang hugis ng bulkan pagkalipas ng panahon. Inihambing ito sa kagandahan ni Magayon kaya ipinangalan itong Bulkang Mayon. Tuwing magkadikit ang ulap sa bulkan ay sinasabing muling nagsasama sina Magayon at Ulap. Tuwing umuulan naman ay sinasabing umiiyak si Ulap sa pagkamatay ni Magayon.

290px-Carabao276206341_74ddd5436f

Anong mangyayari kung ang nakuha mong damit ay hindi sa iyo? Ito ang nangyari kina Kalabaw at Baka. Noong araw, magkaiba ang itsura nina Kalabaw at Baka. Itim ang damit ni Baka at kayumanggi kay Kalabaw. Nagtatrabaho sila sa bukid ni Mang Damot buong araw nang walang ligo at pahinga, kaya pagod sila at mabaho. Nang nakatakas sila sa maramot na magsasaka, tinanggal nila ang mga damit nila at naligo. Bigla naman dumating si Mang Damot na naghahanap sa kanila. Nagmadali silang umalis at naghiwalay para hindi sila mahuli.

Napansin ni Kalabaw na sumikip ang kaniyang damit. Nakita niya na nakuha pala niya ang itim na damit ni Baka. Napansin naman ni Baka na lumuwag ang damit niya, lalo na sa leeg. Nakuha niya ang kayumanggi na damit ni Kalabaw. Hindi na sila nagkita muli, kaya mula noon, itim ang mga kalabaw at kayumanggi o puti ang mga baka.

Nailalahad ang mga alamat ang isang panig ng kultura ng Pilipino. Napagtanto ko na ang alamat ay hindi lamang isang uri ng kuwentong bayan, kundi isa rin itong panitikan ng pagtatapat. Nagtatapat ang mga Pilipino sa pamamagitan ng mga alamat na may mga ilang bagay sa mundo na mahirap ipaliwanag kung bakit ganiyan ang mga katangian nito; na ang paraan lamang na masagot ito ay gumawa ng kuwento at bigyan ng relasyon ang mga iba’t ibang bagay sa paligid. Bago dumating ang Rebolusyon ng Industriya, sa kailikasan nagdedepende ang mga Pilipino, kaya karamihan ng mga tauhan ng alamat ay mga anak ni Inang Kalikasan.

Galing sa alamat ng pinya, nabigyan ng relasyon ang parte ng katawan natin sa prutas, na wala talagang koneksyon. Sa alamat ng langit at lupa naman, napakita rito ang paniniwala ng mga Pilipino sa mga diyos o sa mga malalakas na nilalang na nagdidikta ng buhay nila, ngunit nasasalat ang mga diyos dito. Hindi rin naman mawawala ang romansa bilang paksa sa Alamat ng Bulkang Mayon. Naipapakita rito na ang kapangyarihan ng pag-ibig ay nakaka-gawa ng mga magagandang tanawin. Para naman kina Kalabaw at Baka, naging damit ang kanilang balat; madaling tanggalin at madaling palitan.

P6160484

Tulad ng mga pabalat ng mga librong ito, makukulay ang mga kuwentong bayan at kultura ng mga Pilipino.

"Hoy, Linisin mo nga ang Bahay, may Darating na Bisita Mamaya!"

$
0
0
Isa sa mga kinikilalang pag-uugali ng mga Pilipino ay ang pagiging magiliw natin sa pagtanggap ng mga bisita. Naaalala ko pa ito sa aking klase ng Sibika noong elementarya na isa ito sa mga pinagmamalaking asal ng mga Pilipino. Pinapakita ng kulturang ito ang pagiging bukas natin sa ibang tao, ibang kultura, ibang bansa, o kaya sa ibang mundo. Mabilis at madali tayo makipagkaibigan dahil sa paraang ito. Subalit kahit ito ang kulturang tatak-Pilipino, ito rin ang maaaring makasira sa katauhan ng mga Pilipino.


Ang pagiging magiliw natin ay maaaring isang paraan ng pagpapaalipi sa mga bisita. Halimbawa, nagpapagod tayo para lamang makahain ng masarap na pagkain para sa kanila o kaya maihanda ang kuwartong tutulugan nila. Lilinisin ang buong bahay at itatago ang anumang sira o pangit na gamit. Gaya ng sinabi ni sir, nag-uutang pa tayo sa kapitbahay para mabili ang kinakailangan para ayusin ang bahay. Tayo ang nawawalan para lamang may maibigay tayo sa mga bisita natin. Nagmukha na ang bisita ang amo natin. Naaalala ko ang naranasan ko noong bumisita kami sa pamilya ng kaibigan ng tatay ko sa Amerika. Napilitan ang anak niya na matulog sa kuwarto nilang mag-asawa para may kuwarto para sa akin at sa kapatid ko.

IMG_3300
Ako, ang aking kapatid, at ang anak ng kaibigan ng tatay ko

Maaaring ito rin ang dahilan kung bakit nasakop tayo ng mga Kastila. Dahil nagkaroon tayo ng magandang relasyon sa mga karatig na bansa, maaaring inakala natin na magkakaroon din tayo ng magandang relasyon sa mga Kastila kaya binuksan natin ang sarili natin para maipakita na makapagkakatiwalaan tayo. Naghanda tayo para madali at maginhawa ang pananatili ng mga Kastila; sinundan natin ang anumang hiling nila para sa maayos nilang pananatili. Subalit inabuso naman ito ng mga Kastila.

Tuluyan tayong napunta sa ibaba nang masakop tayo. Naging pilit na ang pagbabahagi natin ng oras, pagod at gamit para sa kanila. Tuluyan na naging alipi tayo sa bisita natin. Hindi lamang natin pinabayaang masakop at baguhin ang sistema ng gobyerno, kundi pati ang panlipunang kaugalian ay binago rin ng mga Kastila. Kung dati, pantay-pantay ang lahat ng tao, naglagay na ng sistema ang mga Kastila at inilagay tayo sa pinakababa. Ang mga dati pang naninirahan sa lupa ang tinganggalan ng mga karapatan. Nagkaroon ng diskriminasyon sa mga babae; tulad ng sinabi ni Bonifacio na dati, marunong magbasa at magsulat ang mga babae subalit noong panahon ng Kastila, hindi na sila nakakapag-aral. Pati paniniwala ay pinabago rin natin ayon sa mga Kastila. Sinabi rin ni Bonifacio na “iminulat tayo sa isang maling pagsasampalataya.” Naniniwala na tayo sa mga paganong diyos nang dumating ang mga Kastila at ipinakilala ang Katolikong Diyos.  

Sa 300 na taon, naging sunud-sunuran na lamang tayo sa mga Kastila sapagkat inabuso nila ang ating pagtanggap nang dumating sila rito. Nais lamang natin na maging maganda ang pananatili nila rito, kaya kahit nagtagal sila ng 300 na taon ay patuloy pa rin tayo sa pag-aabala para sa kanila. Patuloy nating iniisip na may importansya ang sinumang bumibisita sa bahay natin; kailangan pa natin mag-ayos para maramdaman ng mga bisita na sila ang may kapangyarihan sa kinatatayuan nilang bahay na hindi naman kanila. Dahil dito ay lumaki rin tayong iniisip na mas mataas at magaling ang mga banyaga. Maaaring ito ang naging dahilan para sa colonial mentality, subalit ibang usapan na iyon. 

Ang Kapangyarihan ng Oras at Internet

$
0
0


Habang nakabukas ang DISCS Moodle website para ibigay ang proyekto ko sa CS at ang twitter para tignan kung may mga paalala na ibibigay si Sir Samar, may bigla kong naisip. Ang bagong teknolohiya ay nagpapabilis ng buhay natin subalit maaaring nakababagal rin ito sa atin, sa literal na aspekto. Dahil may internet na, nagiging madali na ang papapadala ng mga mensahe sa isa’t isa. Nagiging mabilis at libre na rin ang malawakang pagpapadala ng impormasyon, kumpara sa dating paraan. Kaya na rin ang multi-tasking: sabay-sabay nang gagawin ang mga gawin. Maaari nang makipag-chat sa mga kamag-anak at kaibigan natin sa Dubai o sa Amerika habang nags-Skype sa mga kaklase natin. Makakausap mo na ang buong mundo nang mabilis at walang bayad sa isang upuan.

Dahil dito, napupunta na sa mundo ng internet ang edukasyon. Nilalagay na ng ilang mga guro ng mga takdadng aralin sa internet o kaya dun na rin ginagawa ang mga pagkonsulta. Para sa akin, malaking tulong ito dahil tipid ito sa papel, tinta, at oras. Madali rin itong maalala dahil nasa internet na ito, lalo na kung nakalagay ang takda sa mga sikat na website tulad ng Facebook at Twitter.

Subalit naaabuso ng mga guro at mag-aaral ang sobrang oras dulot ng bilis ng internet. May ilang mga guro na nilalagay ang takda tuwing gabi na o kaya madaling araw na. Kawawa naman ang mga mag-aaral na naghihintay buong hapon at gabi para lamang makuha ang takda. Paano yung mga iba na prepaid card pa rin ang gamit, o kaya wala talagang interet? Maaaring hindi na nila makita ang takda at mapapagalitan pa sila sa susunod na araw dahil hindi nila nagawa. Tama at responsibilidad ng isang mag-aaral na gawin ang kaniyang takda ngunit hindi maganda sa kaniyang kalusugan ang nakatutok sa harap ng kompyuter buong araw para lang hintayin ang takda. Hindi rin nila magagawa ang iba nilang kailangang gawin dahil dito.

Maaari ring tamarin na ang guro sa pagtuturo sa silid-aralan dahil puwede naman niya ilagay ang mga leksiyon sa internet. Dahil dito, maaaring hindi na magkaroon ng klase, at mawawala ang harapan na komunikasyon ng guro at sa mga mag-aaral niya. Kapag nangyari ito, maaaring hindi na tuluyang maintindihan ng mga mag-aaral ang kanilang inaaral; mawawalan din sila ng patnubay mula sa kanilang guro para harapin ang hinaharap.

Syempre, hindi rin mawawala ang mga tamad na mag-aaral na ginagawa lamang ang mga takda kapag nalalapit na ang huling araw. Kaya nga sila pumapasok para matuto silang gamitin nang tama ang oras, subalit nagiging sagabal ang bilis ng internet. Nagpo-post na lamang ang mga mag-aaral sa huling minuto. Kawawa rin ang mga guro, lalo na ang mga hindi sanay sa paggamit ng computer at internet. Ang gagawin ng mag-aaral ay hihintayin ang huling minuto bago madaliin ang takda at ipasa. Kung maraming mag-aaral ang gagawa nito, maaaring mapuno ang email ng guro dahil sa dami ng pagtanggap ng mga email sa maliit na oras. Maaaring mapunta ang iba sa spam mail at masabi ng guro na walang naibigay ang mag-aaral.

Hindi nawawala ang pagiging Juan Tamad natin kahit na malaki ang impluwensiya ng makabagong teknolohiya sa buhay natin. Makapangyarihan ang oras, dahil patuloy lang itong umuusad at wala tayong kakayahan para makontrol ito. Makapangyarihan din ang internet, dahil ito ang magpapadala sa atin sa makabagong panahon. Ang hamon para sa atin, na para sa akin ay napakahirap gawin, ay gamitin ang mga ito sa tamang paraan.

Ang Manwal Kung Paano Mabuhay

$
0
0
Para sa akin, ang pagkakaroon ng relihiyon ay dapat nasa sariling pasya ng tao. Ito ay isang personal na relasyon sa Diyos dahil ikaw lamang ang nakakaalam ng pagkaintindi mo sa Kaniya. Ang relihiyon din ay pagdiriwang ng paniniwala sa Diyos. Dahil dapat ikaw ang nagpasyang maniwala sa Diyos, ikaw rin ang nagpasyang gawin ang mga kinakailangan para mas unawain ang Diyos. Kaya natin pinag-aaralan ang misteryo ng kapangyarihan Niya at ginugunita ang misa bawat linggo.

Ngunit noong araw, ganito rin kaya ang pagkakaroon ng relihiyon, lalo na noong panahon ng Kastila rito sa Pilipinas? Bakit parang hindi ito ang pinapakita ng Manual de Confessionario?

At bocor sa gayong tantong pagsisiping ninyo. Sa ibang manga arao, at horas di cayo din nagbibiro, at nag-lalaro naming maralas?
At doon sa inyong pag-bibiroan dili din minsang nag-bubucang bibig lamang cayo, at cun minsan cayo, I, nagyayacpapan, at naghahalican, at nag-hihipoan din nang boo ninyong catauan, na ualan di hihipoin cayo?
At nilabasan caya ang catauhan mo nang marumi?
Pinalabasan mo naman ang caniya?


Nang binasa ko ang Manual, nahirapan kong tapusin ito hindi dahil sa nakasulat ito sa wikang Kastila, kundi dahil bumibigat ang aking pakiramdam. Mukhang ang layunin ng mga tanong ay malaman ang buong buhay mo; lahat ng detalye hanggang sa mga sikretong ayaw mong sabihin kahit sa pinakamalapit mong kaibigan. Napakaraming tanong subalit iisa lamang ang paksang nais malaman. Syempre, nakakasikip ng pakiramdam kung ito ang mga itatanong sa iyo.

Yaong galit mo sa caniya ay naparati caya sa loob mo? Magcano caya ang pagcalaluon? At gaanong pagcalalim niyong dalan loob mong masama sa caniya?
Mey nalason cang tauo, cun nagbabantang lumason sa alinman? Maca hungmatol cang lumason sa iba, cin casapacat ca sa gayong casamang gaua?
Ano caya ang banta mo doon sa paglason? Ybig mo caya na mamatay yaong nalason mo, cun magcasaquet lamang? At ynaano caya siya nang lason?


Swerte na lang ako at puwede akong huminto sa pagbabasa kung hindi ako komportable, pero dati ito ang mga tinatanong sa kumpisalan. Kailangan talagang sagutin ang mga ito; wala kang magagawa kundi iharap ang walang hiyang mukha mo sa kumpisalan. Iisa-isahin ang mga detalye ng buhay mo para lang masabi na nakausap mo ang Diyos at nakapag-kumpisal. Sa tingin ko naman walang masaya o nasasabik na pumunta sa kumpisalan noon, dahil magtitiis nanaman nila sa mga tanong na paanuman ay pumapasok sa isipan nila hanggang makuha ang tamang sagot. Ano ba ang tamang sagot? Dito papasok ang kapangyarihan ng mga prayle.

Malaki talaga ang impluwensya ng mga Kastila noong dumating sila rito. Binigyan nila tayo ng mga pagkakaabalahan tulad ng relihiyon para mas madali tayong sakupin. Mga prayle ang namahala sa mga barangay at parokya, at sila ang nagbigay ng mga naghalong legal na batas at batas ng Diyos. Sunod-sunuran naman tayong mga Pilipino at ito ang naging sentral ng ating buhay. Tumagal ito ng tatlong daang taon kaya nakaiwan na ng bakas sa atin ang ganitong klaseng pag-iisip, na ang lahat ay galing sa prayle, na galing sa kanila ang sagot para sa Kaligtasan. Kailangan natin sumunod dahil ito ang sabi ng mga prayle; sabi ng mga prayle mas lalapit tayo sa Diyos kapag ito ang gagawin; ‘wag galitin ang prayle dahil mapupunta ka sa impiyerno.

Dahil dito, hindi natin nakita ang tunay na kahulugan ng pagkakaroon ng relihiyon, na ito ay isang personal na relasyon sa Diyos. Ang nangyari tuloy, itinayo galing sa takot at puwersa ang relihiyon para sa atin; kailangan pa tayong takutin at pilitin ng mga prayle sa kanilang sermon na gawin ang kinakailangan para “tanggapin” at “mahalin” tayo ng Diyos. Kailangan gawin ang lahat ng sinasabi ng prayle sa kaniyang sermon; kailangan sagutin ang lahat ng tanong para sa kapatawaran. Napabayaan natin ang mga prayle na patakbuhin ang buhay natin.

Makikita sa Manual ang kapangyarihan ng "relihiyon" noong araw.

Maghahalo rin ang Kemikal at Pintura

$
0
0
Naging pamantayan na ng lipunan ang pag-iisip na magkaibang paksa ang sining at agham. Kapag sining ang pinag-uusapan, ang naiisip ay mga malilikhaing gawa tulad ng pagguhit, ilustrasyon, pagpinta, pagsusulat ng tula, maikling kuwento, nobela at marami pang iba. Imahinasyon ang pangunahing ginagamit para rito, kaya makikita ang malayang daloy ng mga ideya tulad ng pagiging abstrak. Kapag agham naman, mga saliksik, pag-aaral, at teknikal na salita ang naiisip. Ginagamit naman ang bahagi ng lohika sa pag-iisip ng mga tao dahil ginagamitan ito ng mga teorya at mga batas pagdating sa mga eksperimento at mga pag-aaral.

Subalit may napansin ako sa mga anyo ng sining noong araw. Ang mga pinta ni Fernando Amorsolo at Juan Luna at ang mga tula nina Balatagtas at Jose Dela Cruz ay parang may sistemang sinusundan; wala ang malayang daloy ng imahinasyon. Mayroon ding mga batas na sinusundan para sa paglikha ng sining.

---

Para sabihing maganda ang mga pinta noong araw, may mga batas na kailangang sundan. Kailangan tama ang brightness, contrast at kombinasyon ng mga kulay; dapat mayroong perspective: maliliit ang mga bagay sa malalayo habang malalaki ang mga malalapit na bagay. Naaalala ko pa ang laging sinasabi ng guro ko sa Practical Arts noong elementarya na lagyan ng mga lines of perspective bago simulan ang pagguhit. Mas maganda kapag nagmumukhang totoo ang mga detalye sa obra. Kung makikita sa mga ilang halimbawa, napakagaling ang pagsagawa ng kakayahan nila sa pagpinta.

Botong Francisco - first mass at limasawa
First Mass at Limasawa ni Carlos Botong Francisco

antipolo
Antipolo Fiesta ni Fernando Amorsolo

P1100514
Don Perez de Dasmarinas ni Felix Resurreccion Hidalgo

pakil-paete-angono-088
Angono Fisherman's Festival ni Jose "Pitok" Blanco

Alam mo ba? Mga kapitbahay ni Mang Pitok ang lahat ng tao roon. Pinuntahan niya sila isa-isa para ngumiti at maging modelo sa kaniyang pinta. Kung lumapit ka sa obra, makikita mo ang mga detalye at emosyon sa mga mukha nila.

Blanco Museum (52)

Blanco Museum (56)

Alam mo ba? Magagaling na pintor ang buong pamilya ni Mang Pitok Blanco. Naalala ko noong Grade 4 na pumunta kami sa bahay nila sa Angono na museo rin ng kanilang mga obra. (Pumunta ka rin! 312 B Ibañez Street, Angono, Rizal) Magaganda ang gawa nilang lahat lalo na ang bunsong anak ni Mang Pitok na si Peter Paul. Nakikita ko ang kaniyang hilig sa pagguhit sa murang edad, pati ang husay na kasama rito.

4675400450_7fc8aeb0f5_o
Ito ang gawa ni Peter Paul noong anim na taong gulang siya. Daig niya ang stick figures ko.

luna - spolarium
Spoliarium ni Juan Luna

Alam mo ba? Noong makita ko ang Spoliarium sa National Museum, napanganga ako sa sobrang laki at ganda ng obra. Halos isang bahagi ng kwarto ang laki, kaya naglalakad ako habang pinagmamasdan ang sugat at dugo sa sahig. Kitang-kita ko rin ang magandang paghahalo ng mga kulay para magmukhang sakit at takot ang emosyong naipapakita sa pinta. Pakiramdam ko ay kasama ako sa pighati at parusa na nararamdaman ng mga tao roon.

Kung mapapansin ay parang may karaniwang paksa ang mga pintang ito. Kung hindi kasaysayan, relihiyon ang ginagawang paksa. Dati kasi, ang paggawa ng mga malikhaing gawain ay pagkopya lamang ng kung anong nakikita ng mata nila, hindi kung ano ang nakikita ng isipan nila. Naalala ko ang puna sa akin ng guro ko nang pumunta ako sa summer classes para sa sining, "Draw what you see, not what you think." Hindi nasusunod dito ang paggamit ng imahinasyon sa tao. 

---

Kapag gagawa ng malikhaing gawa gamit ng mga salita, may mga batas din na sinusundan. Para maging tula, kailangan may tugma ang dulong salita ng bawat taludtod, at may sariling batas pa para rito. Hindi lang dulong salita ang pinapansin kundi pati ang pagpapantig ng mga taludtod. Pitong pantig bawat taludtod ang Tanaga habang walo sa Dalit; ang Tanaga ay hango sa tulang Hapon na Haiku, habang tulang pagpupuri sa Diyos ang Dalit. Walong pantig din ang Korido habang labindalawa ang sa Awit; ang dalawang ito ay mahabng kuwento na patula. Noong panahon nang hindi pa tayo sinakop ng mga Kastila, mga pabigkas na akda ang pinakamaagang malikhaing gawa gamit ng mga salita. Ito ang mga bugtong, salawikain at epiko; may mga batas pa rin itong sinusundan para maging tanggapin ang mga ito.

Ang pinakasikat na Awit ay ang Florante at Laura ni Francisco Balagtas, habang ang pinakasikat na Korido ay ang Ibong Adarna ni Jose Dela Cruz. Namamangha ako at nagagawa nilang ikabit ang kanilang mga sasabihin sa saktong bilang ng pantig.

Sipi mula sa Florante at Laura (Para Sa Babasa Nito)
Salamat sa iyo, o nanasang irog,
kung halagahan mo itong aking pagod,
ang tula ma'y bukal ng bait na kapos,
pakikinabangan ng ibig tumarok.
Kung sa biglang tingi'y bubot at masaklap
palibhasa'y hilaw at mura ang balat
ngunit kung namnamin ang sa lamang lasap,
masasarapan din ang babasang pantas.

Sipi mula sa Ibong Adarna (Pagpapatuloy Ng Mga Pagsubok)
Pinawalan na ngang lahat
parang isdang pumupusag,
Haring Salermo'y naghayag
ng ganitong bagong antas:

"Sa aking pag-aagahan
sa umaga'y kailangang
mga Negrito at datnan
sa hapag kong kinakanan."

Alam mo ba? Maraming tao ang nagpapagawa ng mga liham ng pag-ibig kay Jose Dela Cruz dahil sa galing niya tumula. Ang tanging bayad na hinihingi niya ay sisiw, kaya binansag siya na "Huseng Sisiw". Siya rin ang guro at nagpukaw kay Balagtas sa pagtutula.

Ang bugtong ay ang Pilipinong bersiyon ng mga palaisipan. Patula ito at kailangan ang "pag-iisip sa labas ng kahon" para sagutin ang mga ito. Nakagugulat isipin na ang mga pabigkas na akda tulad nito ay ginagamit pa rin hanggang ngayon. May mga tindahan ng libro na mayroong mga libro para sa bata na puro bugtong at salawikain ang nilalaman. Hindi ko rin makakalimutan ang mga panahon dati noong nagtatanong o sumasagot kami ng mga kaibigan mo ng mga bugtong.

Palda ni Santa Maria. Kulay ay iba-iba. (Bahaghari)
Dalawang batong itim, malayo ang mararating. (Mata)
Sa isang kalabit, buhay ang kapalit. (Baril)

---

Tulad ng agham na may mga teknikal na batas para maging maayos at malinis ang paggawa ng mga eksperimento, ganito rin ang paggawa ng mga malikhaing gawain. Nagbago na lang ang kahulugan ng sining pagdaan ng panahon na puwede na ito maging abstrak at magulo. Baka hindi talaga gaanong magkaiba ang sining at agham.

Sanggunian:
"Angono's Art Museums: The Blancos." ~manila, You're Not That Ugly. N.p., 13 June 2010. Web. 22 Sept. 2012. <http://manilarat.montalut.com/2010/06/angonos-art-museums-the-blancos/>.
Balagtas, Francisco. "Pagpapatuloy Ng Mga Pagsubok." Ibong Adarna. Quezon City: Phoenix House, 2011. 674-706. Print.
"Fernando Amorsolo." Wikipedia. Wikimedia Foundation, 19 Sept. 2012. Web. 22 Sept. 2012. <http://en.wikipedia.org/wiki/Fernando_Amorsolo>.
"Florante at Laura/Kabanata 2." Wikibooks. N.p., n.d. Web. 22 Sept. 2012. <http://tl.wikibooks.org/wiki/Florante_at_Laura/Kabanata_2>.
"Mga Halimbawa Ng Bugtong." Mga Halimbawa Ng Bugtong. N.p., n.d. Web. 22 Sept. 2012. <http://pinoykultura.com/20090724/mga-halimbawa-ng-bugtong/>.
"Sights: National Museum-National Art Gallery & Luneta Park." Sights and Spices. N.p., 24 Aug. 2012. Web. 22 Sept. 2012. <http://sightsandspices.blogspot.com/2012/08/sights-national-museum-national-art.html>.
"SkyscraperCity." SkyscraperCity. N.p., 7 Sept. 2009. Web. 22 Sept. 2012. <http://www.skyscrapercity.com/showpost.php?s=3afdcc92083493a342bc98e09bcce977>.
"This Old House." The Blanco Museum in Angono Rizal. N.p., 5 Sept. 2011. Web. 22 Sept. 2012. <http://freakofnaturezzz.blogspot.com/2011/09/blanco-museum-in-angono-rizal-part-3.html>.


Ang Daan Patungo...

$
0
0
Noong naimbento ang transportasyon sa kasaysayan, bumilis ang pag-unlad ng mga sibilisasyon. Nagawa ang mga bangka at barko para daanan ang tubigan at bumilis ang pagpapadala ng mga kalakal sa iba’t ibang bansa. Nagawa ang mga kotse at ginamit ang mga kabayo para makalakbay sa lupain at nagkakaroon na ng daan sa damuhan dahil madalas na itong dinadaanan. Lumalakbay na ang mga tao para makaranas ng kakaibang kultura sa ibang lugar.

Ito ang daang nalilikha dahil na madalas na pagdaan dito; ito rin ang nalalarawang imahen sa tula ni Robert Frost na The Road Not Taken

Ang kalye, daan o kalsada ang paraan ng transportasyong panlupa. Depende sa kaayusan ng lugar ang kaayusan ng kalye. Dahil dito, maaaring makita ang uri ng pamumuhay ng mga tao batay sa kalagayan ng kalye.

1. Sa simpleng barrio sa probinsya, ang kalye roon ay hindi gawa sa aspalto, kundi gawa lang sa lupa. Malas ang mga bibiyahe rito tuwing uulan dahil magiging maputik ang daan. Kapag mataas naman ang araw, puro alikabok ang malalanghap mo. Kung gawa man sa aspalto ang kalye, makikita lamang ito sa lungsod, o sa kabisera ng probinsya. Pinapakitang mababa ang antas ng teknolohiya, simple at mabagal ang pamumuhay ng mga taong nakatira rito.

Ito ang karaniwang kalyeng tinatahak ng mga kababayan natin sa probinsiya. Maalikabok, mabato, at hindi maayos.

Ito naman ang mas maayos na daan, subalit madalas isang kotse lang ang kasya rito, at walang ilaw kaya madilim dito tuwing gabi.

Noong pumunta kami ng pamilya ko sa Ilocos Norte, isa lang ang kalye galing sa paliparan papunta sa lungsod; iisa lang din ang kalye paakyat ng bundok hanggang sa bahay ng mga lola ko. Kuwento ng isa kong lola na ganito na ang walang aspaltong kalsada noong bata pa siya, at naglalakad siya kasama ng mga kaibigan niya araw-araw para pumasok sa paaralan sa baba ng bundok.

IMG_3735
Ito ang daan sa Ilocos Norte. Maayos naman ito at may mga bato pa para lagyan ng hangganan ang kalsada. Kung makikita rin ay puro palayan ang nakapalibot sa kalye dahil ito ang kinabuhayan ng mga tao roon.

2. Kapag sa subdivision naman, maluwag, maayos at malinis ang kalye. Ito ay dahil ang subdivision ay isang pribadong lugar, at kontrolado ang kalinisan at kaayusan dito. Noong pumunta ako sa bahay ng kaibigan ko na nasa isang subdivision, nagmukhang malapad ang kalye dahil walang nakaparadang kotse, hindi tulad sa ibang masisikip na daan sa Maynila na may nakaparada sa magkabilang gilid. Ligtas din na lumabas ng bahay dahil sa mga nagbabantay na guwardiya sa pasukan at labasan ng subdivision, kaya lumabas kaming magkakaibigan at naglaro sa labas ng bahay.

52100_1602479496586_1896212_o
24866_416921063901_1702111_n
Sinubukan namin ang tanyag na larawan ng Beatles sa Abbey Road, ngunit naisip namin na walang papantay sa ginawa nila.

24866_416925263901_402042_n
Kahit sa harap ng bahay lang, o sakupin namin ang buong daan, walang problema dahil ligtas. Walang nagmamadaling sasakyan, walang kahina-hinalang tao sa lugar, at matiwasay ang kalagayan dito.

3. Ako ay nakatira sa public residential area na malapit sa ruta ng mga jeep, kaya minsan ay maingay at mausok ang kapaligiran dahil sa dami ng sasakyan na dumadaan. Dahil walang nagbabantay hindi tulad sa subdivision, madalas dinadaanan ang kalye namin ng mga magnanakaw at holdaper, lalo na ang mga nasa motorsiklo; kaya lumaki akong laging nasa bahay lang. Nakuwento sa akin ng nanay ko na isang araw may nanakawan na nagjo-jogging nang madaling araw. May dumaan lang na naka-motosiklo at hinablot agad ang iPod niya.

Ang kalye ay maaari lang umunlad kung umunlad din ang lugar. Siyempre, kung may pera na ang komunidad para ayusin ang mga kinakailangan, maaayos rin ang kalye. Kung makalalarawan ng pamumuhay ang kalye, baka makikita rin ang kalagayan ng bansa batay sa kalye.

Ang Amerika ay isa sa mga pinakamayaman at pinakamakapangyarihang bansa sa mundo. Noong bumisita ang pamilya ko doon, napakalinis at maayos ang mga kalye nila. Pakiramdam kong ang sarap magmaneho roon dahil maluwag at hindi gaanong matrapik sa kalye. Sa mga highway naman, may labasan ito sa bawat lugar na dinadaanan nito, kaya mabilis makarating sa pupuntahan mo.

Kahit ang mga kalye nila sa probinsya ay napakaganda.

Kung akala mo dalawang kalye lang ang kasama sa intersection, nagkakamali ka.

Kung ikukumpara ang kalye roon at ang mga kalye sa Pilipinas, marami sa mga kalye dito ang baku-bako; at sa Maynila lang ito, dahil wala pang aspalto ang mga kalye sa mga probinsya. Simpleng halimbawa ang kalye na malapit sa bahay ko, Retiro. Laging may mga butas rito, kaya nagkaroon ng pag-aayos na proyekto noong simula ng taon. Nagkaroon ito ng matinding trapik dahil malapit ito sa simbahan. Nang dumaan ang sunud-sunod na mga bagyo, biglang natigil ang pag-aayos. Naiwan ang mga makina sa tabi ng daan, at naiwang mas malaki ang mga butas. Kaya ngayon, mas matindi ang naging kalagayan ng Retiro.

181144_10151363792268636_2051832004_n
Dahil sa mga butas sa kalye, nagkakaroon din ng matinding pagbaha rito tuwing umuulan nang malakas. Ito ay larawan ng intersection ng Retiro at Banawe na kumalat sa Facebook sa kasagsagan ng Habagat noong Agosto.

Kung ang karamihan sa mga kalye sa Pilipinas ay parang sa Retiro, paano na ang iba pang kalye sa bansa? Kung hindi kaya ng gobyerno na ayusin ang mga sira-sirang kalye dito, panno na kaya nila haharapin ang iba nilang responsibilidad?

Nagmumukhang ang kalye ay hindi lamang daan para sa transportasyon, kundi maaaring ito rin ang salamin ng tagumpay o kabiguan ng bansa. Totoo nga ang kasabihan na mas mahalaga ang paglalakbay kaysa sa pagdating sa pupuntahan. Kailangan ang mga kalye ay maayos para maging maayos din ang biyahe papunta sa matagumpay na bansa.

Sanggunian sa mga larawan:
Dorkmuffin.com. N.p., Sept. 2008. Web. 30 Sept. 2012. <http://dorkmuffin.com/wp-content/uploads/2008/09/forestpath5001.jpg>.
Facebook. N.p., n.d. Web. 30 Sept. 2012. <http://www.facebook.com/>.
Freefoto. N.p., n.d. Web. 30 Sept. 2012. <http://s3.freefoto.com/images/21/87/21_87_15_web.jpg>.
Joshweinstein.wordpress.com. N.p., Mar. 2010. Web. 30 Sept. 2012. <http://joshweinstein.files.wordpress.com/2010/03/walk-to-school.jpg>.
PCIJ. N.p., May 2009. Web. 30 Sept. 2012. <http://pcij.org/wp-content/uploads/2009/05/rural-road.jpg>.
Welovedc.com. N.p., Oct. 2009. Web. 30 Sept. 2012. <http://www.welovedc.com/wp-content/uploads/2009/10/Highway-1-Intersection-105-110-Los-Angeles-California.jpg>.

Sa wakas

$
0
0
Ang susunod na entri ay dalawang magkaiba subalit magkahawig na pangyayari. Nakita ko na magkatulad sila sa pamamagitan ng ilang tagpuan sa Walong Diwatang Pagkahulog ni Edgar Samar. Ang naka-italicize ay ang karanasan ko noong umakyat ako sa bundok ng Banahaw kasama sa Educational Outbound Program ng high school ko habang ang sumunod ay ang karanasan ko ngayong nagdaang semestre.

-----

“Kapag umaakyat sa mga bundok, damang-dama niya ang panganib ng mga bangin. Pero alam din niyang dahil sa bangin kaya nagkakaroon ng ibayong kahulugan ang bawat pag-akyat.”


Ito na; ang huling field trip ko sa high school. Pupunta kaming Mt. Banahaw.

Ito na; ang huling klase ko sa Filipino sa kolehyio. Ito na rin ang ikalawang taon ko sa kolehiyo.

Sabi ng mga nakapunta na doon na mahirap akyatin ang bundok. Totoo raw na mahiwaga iyon kaya magdahan-dahan ako.

Sabi ng mga orgmates ko na mahirap ang Fil14 dahil ito ang pinakamaraming gagawin kumpara sa nakaraang Fil na klase. “Extra challenge” pa raw ito dahil Samar kami.

Aabot daw ng isang oras ang pag-aakyat, kung hindi ako titigil para magpahinga.

Isang semestre ang klase; halos 4 na buwan, kung hindi ako magoover-cut.

Gumising ako nang maaga para maaga kaming makarating at magsimulang umakyat sa Banahaw.

Kailangan kong gumising nang maaga tuwing Martes at Huwebes para makaabot sa 7:30 ng umaga.

Bago umakyat, pinagmasdan ko ang kagandahan ng bundok, tinignan ko ang hiking buddy ko, bumulong ng panalangin at sabi ko, ‘tara!’

Nang dumating na si sir, tinignan ko ang mga kaklase ko, bumulong ng panalangin at sabi ko ‘kaya ko ‘to!’

-----

“Habang tumataas, nawawala ang lubid, dumadalang ang mga volunteer, tumatarik ang bangin sa gilid. Sa bandang ibaba, kitang-kita pa na bato ang babagsakan. Sa itaas, hindi na tanaw kung saan pupulutin ang sinumang mawalan ng ingat.”


Totoo ngang mahirap ang pag-akyat; parang kailangan na magsanay ka muna bago ito gawin. Isang makitid na daan lang ito, kaya dapat hindi ka mawala sa linya mo. Matutulis ang mga bato, matarik ang aakyatan, at sobrang nakakapagod.

Totoo ngang mahirap ang Fil14; parang kailangan pa ng mas maraming pre-requisite courses bago ito kunin. Heto nanaman ang simple ngunit mahirap na point system ni Sir Samar. Kung ang iskor mo sa ehersisyo ay 69/100, 0.0 ang katumbas na grado mo.

Nagmukhang tumigil ang daloy ng oras dahil sa sobrang pagod ko. Naliligo na ako sa sarili kong pawis, habang dahan-dahan kong iniinom ang natitirang tubig sa bote ko. ‘malayo pa’, sabi ng mga kaklase ko na nauna sa akin. Sumasakit na ang mga braso at binti ko sa kaka-akyat. Kakayanin ko kaya ito?

Pakiramdam ko ay isang linggo na ang nakalipas kahit na Lunes pa lang dahil sa sobrang daming ginagawa at gagawin. Tuluy-tuloy lang ako sa pagtatrabaho pero parang patuloy pa ring dumarami ang kailangan ko pang gawin. Kasama na rito ang mga kailangang basahin sa Fil14. Hindi ko naman kayang pagsabay-sabayin lahat dahil walang magandang maibubunga rito. Minsan ay sumasakit pa ang ulo ko, kaya tinutulugan ko na lang ito, at magmamadaling tapusin ang mga gawaing-bahay paggising. Kakayanin ko kaya ito?

-----

“Habang umaakyat, walang salitaan silang apat. Buhos na buhos ang loob sa bawat hakbang.”


Wala ring salitaan sa aming magkakaklase habang patuloy na umaakyat sa Banahaw. Bawat hakbang ay binibigyan ko nang lahat ng lakas ko. Nakasalubong ko ang kaklase kong may hika, sabi niya nagpapahinga raw muna siya at baka atakihin siya. Naalala ko na may hika rin ako, kaya pinaalala ko sa sarili kong dahan-dahang umakyat.

Dumalang ang mga panahon na magkakasama kaming magkakaibigan na walang ginagawa. Nag-uusap na lang kami tuwing tanghalian sa cafeteria, at pagkatapos ay diretso na kami sa library para magbasa o mag-aral. Binuhos ko ang lahat ng kakayanin ko sa bawat klase ko ngayong semestre. Naalala ko noong Fil12 ay marami akong nakuhang 0.0 sa mga pagsasanay, kaya ngayon sinisikap ko nang magbasa bago magklase.

Parang umaakyat na ako papunta sa langit nang makita ko ang tuktok ng tatlong krus sa taas. Bigla akong nabigyan ng lakas para bilisan ko ang pag-akyat. Nagpalakpakan ang mga kaklase kong nasa tuktok na para tulungan kaming makaabot doon. Ngumiti na lamang ako at patuloy na umaakyat hanggang sa makasalubong ko ang mga krus.

Pakiramdam ko na patuloy na ako pupunta sa baba nang bumagsak ako sa Unang Mahabang Pagsusulit. Pero nakilala ko na si Sir Samar na nagbibigay ng mga bonus na gawain kapag maraming mabababa. Nabigyan ako ng pagkakataong itaas ang grade ko at bigla akong nabigyan ng lakas para tapusin ko ang nagdobleng trabaho sa limitadong oras. Nagtutulungan naman kami sa block tuwing may mga mahihirap na proyekto sa ibang klase. Nang makita ko na malapit nang matapos ang Setyembre, ngumiti na lang ako at patuloy na nagtrabaho hanggang ngayon.

-----
IMG_1283
“Tinanaw ni Daniel ang nakapalibot na bangin. Hindi niya maintindihan kung ano ba talaga ang dapat niyang maramdaman sa mga oras na iyon… nang nasa itaas na, ngiti lang ang ibinigay nila sa isa’t isa.”

166889_10150091837747622_1663018_n

Napakasaya ko nang naabutan ko ang tuktok ng Banahaw. Ito ang unang beses kong umakyat at makarating sa tuktok ng isang bundok. Ang mas maganda pa rito, nakita ko na ang tatlong krus na nagsisimbolo ng mga krus sa Kalbaryo. Naramdaman ko ang hiwaga ng bundok; nakakakalmang pagmasdan ang lalawigan ng Quezon at Laguna galing sa itaas at kasama ang mga krus. Parang sa kabila ng lahat ng paghihirap na dinanas ko pag-akyat, nawala ang pagod ko dahil alam kong kasama ko ang Diyos. Hay, ang ganda ng Bundok ng Banahaw.

Oktubre na. Kakakuha ko lang ng Ikalawang Mahabang Pagsusulit. Ito na rin ang pinakahuling blog post ko. Lahat na ng mga proyektong ginagawa ko ngayon ay may salitang ‘final’ sa pamagat. “Final lap” na ito kung ako’y nasa karera. Sa totoo lang, hindi ko pa alam kung naabutan ko na ang tuktok, pero nang inalala ko ang mga nakaraang paghihirap ko ngayong semestre, alam kong umakyat ako sa tamang daan. Sana masabi ko rin na masaya maging estudyante sa kolehiyo.

Article 0

$
0
0
Hi!

Tadaima! Hisashiburi!

After years of being out of the loop, I have found myself falling in love with Hey! Say! JUMP and Johnny's again. Catching up has been a blast, because I binge watch on so many content in one sitting. After that scandal with Ryutaro, I am so happy and proud to see that JUMP grew up to be one of the biggest idol group in Japan! It actually feels like reconnecting with old friends whenever I see them now, especially with their interviews regarding their 10 year anniversary.

Anyway I have also resurrected my tumblr account to post stuff about HSJ. Please check it out here! And if you want, you can go ahead and hit me up here as well! :) Johnny's has been a big part of my childhood and I'm glad that it found me again, so I guess it will always be a part of me <3

Yoroshiku!
Viewing all 51 articles
Browse latest View live